Pinalagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Beijing matapos nitong sabihin na nanghimasok ang mga barko ng Pilipinas sa teritoryo ng China na naging dahilan kung bakit nagamitan ang mga ito ng water canon ng Chinese vessels.
Iginiit ni Lorenzana na ang China ang lumalabag sa sovereign rights ng Pilipinas at nagaganap ito sa mismong exclusive economic zone ng ating bansa.
Nanindigan ang kalihim na walang karapatan ang China na harangin ang mga barko ng Pilipinas sa sariling EEZ nito.
Binigyang diin ni Lorenzana na karapatan ng mga Pilipino na mangisda o magdala ng supplies sa detachment ng bansa sa Sierra Madre sa Ayungin Shoal nang hindi nakakaranas ng harassment mula sa China.
Mababatid na parehong iginiit ng Pilipinas at United States na ang 2016 ruling ng United Nations-backed arbitration court na nag-invalidate sa malawak ng claims ng China sa South China Sea ay legally binding sa parehong Manila at Beijing.
