SORSOGON CITY – Opisyal nang kandidato bilang senador si Sorsogon Governor Francis ‘Chiz’ Escudero kasabay ng unang araw ng filing of certificate of candidacy (COC).
Ang abogado na si George Garcia ang nag-file ng COC ni Escudero ‘in his behalf’ kung saan ang isang kopya ng COC ay ipinakita sa midya.
Si Escudero ay dating nagsilbi bilang senador mula 2007 hanggang 2019.
Tumakbo din siya sa pagka-bise president noong 2016 sa ilalim ng tiket ni Senator Grace Poe.
Matatandaan na sa nagdaang Pulse Asia Survey, ang 51-anyos na gobernador ay pumangatlo sa ranggo na ‘most preferred possible senatorial candidate.’
Ang dating mambabatas ay naging miyembro din ng House of Representatives mula 1998 hanggang 2007 na kumatawan sa Unang Distrito ng Sorsogon.
Batay sa kanyang COC, si Escudero ay nominated Nationalist People’s Coalition (NPC).
Si Escudero na isa ding abogado, ay kasal sa aktres at fashion icon na si Heart Evangelista.
‘’Ako po ay kakandidato para madagdag iyong mga puwede ko na maiambag sa muling pagbangon ng bansa, kasi ‘yong susunod na magiging president ay sobrang laki ng problema na kanyang haharapin,’’ aniya Escudero.

