Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga otoridad ng gobyerno, sa pakikipagtulungan sa mga local government units, na tiyakin ang efficient distribution ng doses sa kanilang mga constituents para matiyak na maraming mga Pilipino ang mapoprotektahan laban sa COVID-19.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte na buksan ang COVID-19 vaccination sa general population, kabilang na sa mga menor de edad ngayong buwan.
“Tuluy-tuloy po itong pagbabakuna natin. Nakikiusap po ako sa ating mga LGUs na makipagtulungan upang siguraduhin maiturok agad ang mga bakuna. Ang importante po ay walang masayang na bakuna, walang masayang na oras, walang masayang na minuto, walang masayang na araw,” saad ni Go.
“Susi po ito upang mabilis nating makamit ang inaasam nating population protection at herd immunity para maging mas masaya ang ating Pasko ngayong taon at dahan-dahan tayong makabalik sa normal na pamumuhay,” dagdag nito.
Kaugnay nito, hiniling rin ng senador sa mga opisyal na tingnan ang posibilidad ng pagbibigay ng insentibo sa mga fully vaccinated Filipinos, upang mahikayat ang iba na makiisa sa vaccination program.
“Pag-aralan rin po dapat nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado, tulad ng mas maluwag na mga patakaran. Maaaring pwede na sila kumain at pumasyal sa labas, magtrabaho, at gumalaw ng wala masyadong restrictions,” pakiusap ni Go.
Sa huli, tiniyak ng mambabatas na may sapat na bakuna na ituturok sa general population, at marami rin umanong suplay ng doses ang inaasahang darating ngayong buwan.
