Tila nagbigay ng hint si vice presidential aspirant Senator Bong Go ng posibleng pagbabago sa kanyang plano sa 2022 elections.
Ito ay matapos na ianunsyo ni Davao City mayor Sara Duterte-Carpio ang kanyang withdrawal mula sa reelection bid bilang local chief executive.

Sa kanyang talumpati sa isang event sa Antipolo City, emosyonal na isinisi ni Go ang magulo at maduming pulitika na nakaapekto sa kanyang kandidatura.
“Alam niyo, magulo ang pulitika. Maraming pangyayari sa mga nakaraang oras na ayaw ko, na mahirap niyong maintindihan. Itong kandidatura ko bilang bise presidente ay maaaring magbago,” saad ni Go.
“Hindi maiwasan, may mga changes sa pulitika, na sabi ko nga na napakadumi. Nandito ka na nga gustong magserbisyo sa kapwa mo Pilipino, eh mayroong mga pagbabago na wala naman akong magagawa,” dagdag ng senador.
Sa gitna nito, sinabi ng mambabatas na ang pagbabago ay maaring ianunsyo sa publiko sa mga susunod na araw.