KORONADAL CITY — PANIBAGONG Executive Order o EO No. 28 ang inilabas sa probinsya ng Sultan Kudarat na nagpapalawig sa implementasyon ng General Community Quarantine o GCQ mula Setyembre 1 hanggang 15 ngayong taon.
Sa bagong EO, ibinalik ang pagpapatupad ng ‘No Movement Sunday’ sa buong lalawigan. Ipinatupad rin ang odd-even scheme kung saan maaaring maka-biyahe ang mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 1,3,5,7 at 9 sa mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes habang Martes, Huwebes at Sabado naman sa mga may plate number na nagtatapos sa 2,4,6,8 at 0.
Nananatili naman ang liqour ban at bawal pa ring lumabas kung hindi importante ang mga nasa edad 18-anyos pababa, 65-anyos pataas, mga buntis at persons with comorbidities.
Tuloy din ang curfew hours sa lalawigan simula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Samantala pinapayagan naman ang face-to-face sa mga religious gatherings sa 30% na seating capacity.
