Hindi na napigilan ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ang maging emosyonal matapos ang naging pahayag ni Justice Secretary Boying Remulla ukol sa dalawang environmental activists na diumano’y dinukot ng militar.
Sa plenary debates sa Kamara para sa proposed budget ng DOJ at attached agencies, kinuwestyon ni Brosas ang pagtingin ng ahensya sa mga kaso dahil tila pinalalabas na ni Remulla na kabahagi ng CPP-NPA sina Jhed Tamano at Jonila Castro.
Paano aniya masisiguro na walang kikilingan ang DOJ gayong may “bias” sa naging statement ni Remulla laban kina Castro at Tamano.
Giit ni Brosas, mas maganda kung mas “prudent” at discerning” ang DOJ sa paglalabas ng pahayag lalo’t buhay at kamatayan ng ilang mga kababayan ang pinag-uusapan.
Inusisa rin ng kongresista kung iniimbestigahan ng DOJ ang umano’y pagdukot sa dalawang environmentalist.
Ipinaliwanag ng sponsor na si Davao De Oro Representative Ruwel Gonzaga na wala pang imbestigasyon ang DOJ pero kung nais ng Commission on Human Rights ay uubra naman.
Kinumpirma ni Gonzaga na ang “relevance” ng statement ni Remulla ay hinggil sa perjury laban kina Castro at Tamano.
Una rito, sinabi ni Remulla na bagong “playbook” at “choreography” ng CPP-NPA ang ginawang pagbaligtad nina Castro at Tamano sa isang press conference sa Plaridel, Bulacan nang igiit na hindi sila rebel surrenderees kundi biktima ng abduction upang makakuha ng simpatya.