CAMARINES NORTE – Isinagawa sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte ang Fully Automated Examination para sa Scholarship Program na handog para sa mga mag-aaral.
Ito ay bilang paghahanda ngayong pasukan kung saan isinagawa ang qualifying exam para sa mga gustong maging bahagi ng Jose Panganiban LGU – Scholarship Program ngayong paparating na school year 2023.
Daan-daang incoming college students ang pumunta sa nasabing LGU upang kumuha ng nasabing pagsususulit.
Ang mga kabataang makakapasok sa programa ay makakatanggap ng 1,500.00 Pesos Monthly Educational Allowance na ibinibigay ng Pamahalaang Bayan sa mga kwalipikadong Iskolar.
Ayon kay Mr. Joel Molina, Community Affairs Officer ng LGU, ito ang unang pagkakataon na ipinatupad ang full automation para sa nasabing pagsusulit.
Layon nitong mas mapadali ang takbo ng pagsusulit kabilang na ang pagbibilang ng resulta nito.
Gamit ang laptops at cellphones ay isang application na naglalaman ng examinee database at main examination questions ang ipinagamit sa mga bata sa loob ng takdang oras.
Bagaman ang ilan sa kanila ay aminadong nahirapan sa pagsusulit, ikinatuwa naman ng mga examinee ang automated na sistema. Nagsilbi naman bilang examination assistants’ ang kasalukuyang mga iskolar ng Pamahalaang Bayan.
