Freddie Roach, no comment sa mga banat ng strengthening coach ni Pacquiao

Tumanggi ang tanyag na boxing mentor na si Freddie Roach na sagutin ang mga komento ni Justin Fortune na wala na itong balak na makatrabaho siya kahit kailan o tumapak sa Wild Card Gym sa Los Angeles.

Ito ay matapos malaman ni Fortune, na strength at conditioning coach ni Senator Manny Pacquiao, na isinisisi sa kaniya ni Roach ang naranasang cramps ng Filipino boxing icon sa gitna ng laban nito kay WBA welterweight super champion Yordenis Ugas.

Ayon kay Fred Sternberg, publicist ni Roach, magiging “unproductive” lang ang pagsagot sa mga komento ni Fortune.

Ipinunto ni Sternberg na sinabi sa kaniya ni Roach na rerespetuhin nito ang mga kahilingan ni Pacquiao at huwag nang sumagot sa mga interviews ni Justin.

Dagdag niya, sangayon sila sa nauna nang sinabi ni MP Promotions head Sean Gibbons na kalokohan ang naging banat ni Fortune, at hindi deserve ng senador ang ganitong klase ng “nonsense”.

Mababatid na sinabi rin ni Fortune sa kontrobersyal nitong interview na ikinagulat niya na makita noon ang physiotherapist na si Dr. Sean Hampton na minamasahe ang mga paa ni Pacquiao sa dressing room, 30 minuto bago ang laban nito.

Naniniwala si Fortune na si Roach ang kumuha sa doktor ilang linggo bago ang laban, at duda siya na may karanasan ito na makatrabaho isang elite athlete.

Iginiit ni Fortune na hindi dapat ginagalaw ang isang fighter 30-minuto bago ang laban nito na isa anyang “perfect formula” para magkaroon ng cramps.

Inihayag rin ni Fortune na sinisisi siya ni Roach sa naging talo ni Pacquiao sa laban nila ni Ugas para pagtakpan ang mga pagkukulang nito bilang isang coach.

Tinawag rin ni Fortune si Roach na duwag dahil hindi nito sinabi sa kaniya ng harap-harapan ang mga komento nito na wala anyang katotohanan.

Hindi ito ang unang beses na nagkabangaan sina Roach at Fortune, dahil noong 2007 ay dumistansya ang dalawa mula sa isa’t-isa dahil sa isyu sa pera, na dahilan upang muntikan pang mauwi ang dalawa sa demandahan.