Hindi inirerekomenda ng vaccine advisers ng Britanya ang pagpapabakuna ng lahat ng 12-15 anyos na kabataan laban sa COVID-19.
Naniniwala ang mga eksperto na mas makabubuti kung hindi mababakunahan ang mga malulusog na bata bilang precautionary measure mula sa rare side effect na heart inflammation.
Taliwas ang abiso ng Britanya sa naging desisyon ng Estados Unidos, Israel, at ng ilang European countries, na nag-roll out na ng kani-kanilang vaccination program para sa mga kabataan.

Gayunman, wala pang pinal na desisyon ukol dito dahil sinabi ng gobyerno ng Britanya na kokonsulta muna ito sa mga medical advisers upang tingnan ang iba pang factors, tulad ng pagkakaantala ng pagbubukas ng mga paaralan.
Mababatid na pumalo na sa mahigit 133,000 ang bilang ng mga nasawi sa Britanya dahil sa COVID-19, habang nakapagtala na rin ito ng mahigit 7-milyong kaso, kung saan ay naobserbahan ang mataas na transmission sa mga kabataan.