KORONADAL CITY — IDINAGDAG ang food delivery services sa mga parmasya at bahay paggamutan na mga industriya na tanging pinahihintulutan ng city government na magbukas sa araw ng Linggo matapos na ipatutupad ng city government ang No Movement Sunday Policy sa Setyembre 5 at Setyembre 12 ng kasalukuyang taon.
Napag-alamang matapos na pumalo sa mahigit limang daan ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ay agad na nagpalabas ng Executive Order No. 39 ang city government na magpapatupad ng No Movement Sunday Policy.
Nilinaw naman ni City Legal Officer Atty. Joy Sollesta na sa kabila ng pahintulot na ibinigay sa mga food delivery service providers ay kinakailangan pa ring silang sumunod sa itinakda ng nasabing kautusan kagaya na lamang ng pagsuot ng ID, opisyal na uniporme at paglagay ng mga marka sa mga sasakyang ginagamit ng mga ito upang madali silang matukoy ng mga enforcers.
Mahigpit namang pinagbabawalan ang mga operasyon ng food establishment kagaya ng “Dine-in” at “Take-out” services kaya pinaaalalahanan na lamang ang mga may ari na mag-isip ng pamamaraan kung paano sila ang kanilang mga empleyado makapunta sa mga establisyemento dahil maging ang pampublikong transportasyon ay kanselado rin at mahigpit na pinagbabawalan ang pagbiyahe ng mga taong hindi saklaw sa mga pinahihintulutang lumabas ayon sa nasabing kautusan.
