Ipinag-utos ni First lady Liza Araneta-Marcos kay Presidential Security Group commander Col. Ramon Zagala na ipakalat ang kanyang babala sa mga taong gumagamit ng kanyang pangalan para lang maitalaga sa gobyerno o sa military posts.
Ayon kay Araneta-Marcos, napuno na siya sa mga usap-usapan na dawit siya sa pagkakatalaga sa mga opisyal sa gobyerno at sa militar.
Sa kanyang 35-second selfie video message, itinanggi ng first lady na may kinalaman siya sa appointment ng mga government officials, partikular na sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (Isafp), pero hindi naman ipinaliwanag kung bakit ang naturang military unit ang kanyang nabanggit.
Mababatid na sa Isafp, ang pinakabagong itinalaga ay ang kanilang acting chief na si Brig. Gen. Leonel Nicolas, napumalit kay Brig. Gen. Marcelino Teofilo, noong October 2022.

Ang mga kontrobersiya kaugnay sa appointments, resignations at dismissals ay lumutang sa unang bahagi ng mga buwan ng Marcos administration.
Sa panahong iyon, nawalan ng tatlong mga key officials si Pangulong Bongbong Marcos kasunod ng pagbibitiw sa pwesto ni Executive Secretary Victor Rodriguez, Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, at Commission on Audit Chair Jose Calida. //MHEL PACIA