LEGAZPI CITY – Inihayag ng Land Transportation Office (LTO) Bicol na posibleng tauhan o empleyado mismo ng ahensya o nagpapanggap na empleyado nila ang mga fixer o ‘yung mga humihingi ng bayad kapalit ng mabilis na transaksyon sa opisina.
Ayon kay LTO Bicol Regional Director, Franscico Ranches, Jr., sususpendehin nila at tatanggalin sa trabaho ang sinumang mahuli at mapatunayang fixer.
Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Philippine National Police (PNP) upang ma-trace at madakip ang mga fixer at masampahan ng kasong administratibo at matanggal sa trabaho.
Matatandaan, noong mga nakaraang araw ay mayroong nadakip na isang volunteer traffic enforcer na nagpakilalang empleyado ng LTO, kung saan humingi ito ng lagpas PHP7,00 sa kanyang biktima para sa mabilis na pagproseso umano ng lisensya.
Sa ngayon, ayon sa ahensya, mas paiigtingin pa nila ang kampanya laban sa fixers sa regional at district offices sa rehiyon upang masiguro ang road safety ng mga Bicolano.