LEGAZPI CITY- Binigyang linaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR Bicol na isa ang pagkakaroon ng maliit na fisihing grounds sa mga rason kung bakit mababa ang produksyon ng isda sa Albay kumpara sa mga karatig probinsya nito.
Ayon kay BFAR Bicol Spokesperson Nonie Enolva, 22, 000 metric tons o 10% lamang ang kontribusyon ng Albay sa 109% sufficiency level ng produksyon ng isda sa buong Bicol, kumpara sa mga probinsyang may malalawak na fishing grounds tulad ng Sorsogon, Masbate at Camarines Sur.
Aniya, walang magagawa ang ahensya upang mapalawak ang fishing grounds sa Albay ngunit mayroon silang mga alternatibong paraan upang matugunan ito.
Isa ang “Aqua-Culture” sa mga inilatag na solusyon ni Enolva na kung saan bibigyang pansin ang pagpapalawak ng mga fish pond at fish cage operations tulad ng Sula Channel na matatagpuan sa Bacacay, Albay upang mapataas ang sufficiency level ng isda kahit na maliit ang mga fishing grounds ng nasabing probinsya.
Dagdag pa rito, malaki rin umano ang maitutulong ng pagpapalaki at pagpapahalaga ng mga marine protected areas sa lugar dahil malaki ang tiyansa na mapadami ang produksyon ng isda dahil dumarami rin ang pinagkukunan nito.
Samantala, nananatili namang sagana ang produksyon ng Yellowfin Tuna sa bayan ng Rapu-Rapu, Bacacay, Sto. Domingo, Malinao, Malilipot, Tabaco at Tiwi.