Nakasungkit ang world top e-kata player na si James De Los Santos ng karagdagang dalawang medalya sa magkahiwalay na online tournaments kamakailan.
Naghari ang nasabing Pinoy karateka sa Okinawa E-Tournament World Series #3 at sa WIHROO International E-Karate Tournament na dahilan para masungkit niya ang kaniyang ika-27 ay ika-28 gintong medalya para sa 2021.
Hindi na ito nalalayo sa nakolekta niyang 36 na gintong medalya noong nakaraang taon.

Sa Okinawa ay natalo ni De Los Santos si Abdellatif Choukri ng Morroco sa finals para sa kaniyang ika-27 ginto.
Nagwagi naman si De Los Santos laban kay Abdelali Tahoulit ng Algeria sa finals ng WIHROO 2021 para sa kaniyang ika-28 medalya.
Aminado si De Los Santos na nakakapagod ang mag-compete sa maraming torneyo sa loob lamang ng isang buwan.
Anya, sinasabihan na siya ng mga tao na magpahinga muna.
Gayunman, sinabi niya na hindi niya muna ito magagawa habang lalo siyang lumalapit sa kaniyang goal.