Batangas City – Hiniling ng grupo ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform o DAR na bawiin ang kautusan kamakailan na nagtatanggal sa mahigit isang libong agrarian reform beneficiaries o ARBs mula sa Hacienda Roxas sa Nasugbu, Batangas.
Sa petisyon na inihain sa tulong ng Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra), binigyang diin na ang nakaraang kautusan ng DAR maging compromise agreement na ginawa para sa kanila ay labag sa Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law o CARL.
Ayon kay Jobert Pahilga, ang tagapamahala ng Sentra, matagal nang ginagamit ang lupa ng mga magsasaka, kaya’t hindi pwede na basta na lang ipagkait sa kanila ang karapatan sa ilalim ng CARL.
Aniya pa, walang karapatan na magdesisyon ang Katipunan ng mga Magbubukid sa Hacienda Roxas Inc. (KAMAHARI) at ang Damayan ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Roxas-National Federation of Sugar Workers (DAMBA-NFSW) para sa mga agrarian reform beneficiaries.
Nabatid na batay sa DAR consolidated order noong December 29, 2023, hinati ang 2,938-hectare na nakarehistro sa ilalim ng Roxas and Co. Inc (RCI).