Batangas City – Puspusan na ang ginagawang pagpapalakas ng isang pencak silat na mula Sto. Niño, Taysan, Batangas para sa nalalapit niyang laban sa Palarong Pambansa 2024.
Siya ay si Klarenz Sanches, 17 anyos at matatandaan na naiuwi niya ang dalawang gintong medalya para sa Pencak Silat Seni Ganda at Tanding Category at isang bronze medal para sa Regu Category sa nagdaang RAAM 2024.
Kwento ni Klarenz, nagsimula siya sa paglalaro noong 2018 kasama ang kanyang kapatid at simula noon ay minahal na niya ang sport na napili.
Hindi rin aniya naging madali ang kaniyang pinagdaanan dahil kung minsan ay natatalo siya sa mga labang sinasalihan, ngunit sa bawat pagkatalo ay nagsisilbi itong motibasyon para magpatuloy sa pag-eensayo.
Inspirasyon ni Klarenz sa bawat labang tinatahak ay ang kapatid na isa ring pencak silat player at ang mga taong nagmamahal sa kaniya.
Mensahe naman ni Klarenz sa mga kapwa manlalaro na magtiyaga, maniwala sa sarili at patuloy na manampalataya sa Diyos.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ensayo ni Klarenz at sa Palarong Pambansa titiyakin niya muli siyang makakapag-uwi ng gintong medalya.