Inihayag ng Malacañang na posibleng malapit na ang muling pagsasagawa ng pilot face-to-face classes dahil sa tumataas na bilang ng mga indibidwal na nababakunahan kontra COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagamat tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng in-person classes dahil sa pag-usbong ng mas nakahahawang COVID-19 variants, ay hindi mananatiling panghabambuhay ang kasalukuyang setup.
Ipinunto ni Roque na nagawa na ng Pilipinas na maturukan ng COVID-19 vaccine ang halos 12-million na tao, habang meron nang ilang mga lungsod sa Metro Manila ang matagumpay na nabigyan ng first dose ang 70% ng kanilang populasyon.

Iginiit ni Roque na ang gusto lang naman ng Pangulo para maibalik ang in-person classes ay mabakunahan ang mga tao.
Pero ayon kay Roque, hindi pa niya matiyak kung gaano karaming mga tao ang inaasahan ng Pangulo na mababakunahan bago maibalik ang face-to-face classes.
Matatandaan na sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nagdesisyon ang Punong Ehekutibo na ipagpaliban ang pagdaraos ng pilot face-to-face classes dahil sa katangian ng bagong COVID-19 variants na labis na mapanganib sa buhay ng tao.
Ipinunto ni Briones na mahirap pang sabihin sa ngayon kung gaano karaming mga tao ang inaasahan ng Pangulo na mababakunahan bago ang pagbubukas muli ng klase.
Ito anya ang rason kung bakit ang proposal nila sa Department of Education na gawin maliit lamang ang pilot study upang kanilang makita kung gaano kaapektibo ang health protocols.