Face shield inaasahang dagdag problema sa plastic waste ngayong ipinatigil na ang sapilitang paggamit nito

CAMARINES NORTE- Malaking hamon  lalo na sa mga Local Government Units ang inaasahang dagdag problema sa plastic waste ngayong ipinatigil na ang sapilitang paggamit nito sa mga lugar na nasa Alert Level 3 pababa kabilang na ang Camarines Norte.

Ito’y dahil itatapon na ng karamihan ang mga ginamit na face shield ngayong hindi na obligado ang pagsusuot nito.

Sa pakikipag ugnayan ng Brigada News FM Daet kay Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Marlon Francia ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), inihayag nito na hindi pwedeng ihalo sa regular waste ang mga ginamit na face shield.

Read More:  2 carnapped vehicles from NCR recovered in Davao City

Aniya ang face shield ay maituturing na hazardous waste kaya’t dapat itong ihiwalay sa regular na basura.

Paliwanag ni Francia na dapat sa household level pa lamang ay nakahiwalay na ito at mas mainam kung  ma- disinfect muna bago ilagay sa angkop na lalagyan para  sa pagkolekta ng basura.

Mayroon na rin umanong guidelines na ibinaba ang DENR sa mga LGU para sa tamang disposisyon sa mga hazardous waste.

Responsibilidad umano ng mga LGU ang usapin sa collection, segregation at disposition ng basura dahil devolve function nila ito habang ang DENR naman ay monitoring lang sa compliance ng una.

Read More:  Kabankalan MSMEs prove their mettle at Negros Trade showcase

Kung maaalala sa una pa lang na obligahin ng gobyerno ang mga tao na gumamit ng face shield bilang pananggalang sa COVID- 19 virus ay umani na ito ng pagtutol mula sa iba’t- ibang environmental groups.

Anila, ang pagpapasuot ng face shield ay dagdag lang sa problema sa polusyon sa bansa.

Bukod pa ito sa face mask at plastic packaging materials na pawang non-biodegradable o hindi nalulusaw.