CAMARINES NORTE – Inihayag ng Civil Service Commission (CSC) na simula ngayong buwan ng Mayo ay maaari nang i- refund ng mga examinees ang P500 examination fee sa nakanselang March 15, 2020 Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) dahil sa COVID- 19 pandemic.
Ang refund ay maaaring i- claim sa pamamagitan ng bank deposit o sa mga authorized remittance centers o payment facilities.
Pinayuhan din ng CSC ang mga nagnanais na mag claim ng refund na makipag ugnayan muna sa Field Office kung saan nag- file ng application dahil na rin sa magkakaibang quarantine restrictions sa bawat lokalidad.
Kinakailangang magsumite ang examinee ng filled-out Request for Refund Form (RRF na maaaring i- download sa CSC website at www.csc.gov.ph gayundin ay kinakailangang iprisenta ang original at photocopy ng valid ID.
Para sa iba pang impormasyon kaugnay sa refund ay maaaring i- search ang CSC website.
Nilinaw naman ni Rona Jane Nunez- Asuncion, Information Officer ng CSC Region V na kailangang i- refund ang binayarang examination fee.
Ito ay nang matanong kung maaari bang huwag nang mag refund ang isang examinee kung nanaisin nito at maghintay na lang ng schedule ng naudlot na exam.
Paglilinaw ni Asuncion na kung magkaroon man ulit ng bagong schedule ng exam ay “back to zero” o bagong records o aplikante.
Dahil sa pandemya, halos 16, 000 mga examinees sa rehiyon ang hindi nakakuha ng naturang examination.
Sa bilang na ito mahigit 1, 500 naman ang mula sa Camarines Norte.
Maglalabas na lamang umano ng bagong advisory ang komisyon patungkol sa bagong schedule ng exam at magiging procedure nito.

