Naglabas na ng direktiba si Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar na patindihin pa ang operasyon laban sa fake entry permits sa bansa at iba pang ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa pandemiya.
Ito ay matapos na makatanggap ng reklamo ang Bureau of Immigration kung saan ang mga biktima umano ay pinapunta sa mga immigration officer upang asistihan sa kanilang pagpasok sa bansa.

Sa isang statement, sinabi ni Eleazar na inutusan na umano niya ang Anti-Cybercrime Group upang manmanan ang mga binebentang fake entry permits, vaccination cards, at RT-PCR test results sa mga banyaga online.
Kinlaro naman ng Immigration na wala silang polisiya patungkol sa pagaalok ng entry permits sa social media.
Hinikayat naman ni Eleazar ang iba pang biktima na ireport ang mga ganitong pangyayari at magfile ng formal complaints sa kanilang tanggapan.