Lumabas sa ginawang pag-aaral ng Cagayan State University na mas makatutulong mabawasan ang polusyon at mas mainam sa kalusugan ang paggamit ng electric tricycles kumpara sa traditional na tricycle.
Ito umano ang napatunayan sa lumabas na resulta ng ginawang pag-aaral ng DOST-funded E-trike Deployment and Utilization Project at ang Demonstration of Electric Vehicle Fast Charging Station Project ng CSU na layuning mabawasan ang carbon dioxide emission sa pamamagitan ng paggamit ng e-vehicles.
Nasa 10 e-trikes ang ikinumpara sa 4-stroke at 2-stoke tricycle na siyang tradisyunal na ginagamit bilang transportasyon sa merkado.
Base umano sa study, ang e-trikes ay kayang maglakbay ng hanggang 80,000 kilometro ang layo, sinasabing nababawasan din ang mileage performance habang dumarami ang kinakarga rito, kaya rin umano nitong maakumoda ang maximum road at i-charge sa traditional o fast-charging equipment.
Napag-alaman din sa pag-aaral na mas mababa ang enerhiya na ginagamit sa e-trike at mas economical ito kaysa sa 4-stroke at 2-stroke tricycles kaya mas makakatipid ang mga tsuper.
Dahil sa mas mababa na inilalabas na carbon dioxide ng e-trikes ay makatutulong umano itong mabawasan ang mga sakit na dulot ng polusyon at polusyon sa hangin.
Ang naturang proyekto ay ginawa sa pagtutulungan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) at ng Department of Energy bilang funding agencies.