Hindi sumipot si Sec. Francisco Duque III sa ika-12 pagdinig ng senate blue ribbon committee kaugnay sa pag-gasta ng gobyerno sa COVID-19 funds.
Sa liham na isinumite ng kalihim kay Senador Richard Gordon sinabi nitong nagpapasalamat ang DOH sa ginagawang imbestigasyon ng senado kaugnay sa paggamit ng gobyerno sa pondo nito na nakalaan para sa pandemic response.

Subalit ayon kay Duque binigyan sila ng direktiba ni Pangulong Duterte na pagtuonan ang COVID-19 response activities.
Ang tinutukoy ni Duque ay ang October 4, 2021 memorandum na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea kung saan pinagbabawalan nito ang mga gabinete na dumalo sa senate hearing sa halip ay magpokus sa mga gawain na makakatulong kontra sa pandemya.
Sa kabila nito, sinabi ng health secretary na patuloy silang tutulong sa imbestigasyon ng senado sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kinakailangan nitong mga dokumento.