Kinasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan sina dating Health Sec. Francisco Duque III at dating Procurement Service-Department of Budget and Management Usec. Lloyd Christopher Lao sa kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act matapos na mawalan ang gobyerno ng P1.65 bilyon.

4% service charge ito na ikinarga ng PS-DBM sa 41 bilyon pesos na halagang inilipat ng Department of Health sa PS-DBM mula March hanggang December 2020.
Sabit si Duque dahil pinayagan umano niya ang paglilipat ng pera sa PS-DBM para sa mga Covid-19 medical supplies kahit pa may obligasyon ang DOH na direktang gawin ito.
Ayon sa Ombudman, hindi kailangan na PS-DBM ang bumili ng supplies para sa DOH dahil nakakabagal ito sa implementasyon ng proyekto at kaya naman itong ikasa ng health department.
Kinasuhan naman si Lao dahil tinanggap niya ang pondo kahit wala silang Covid-19 medical supplies at equipment sa kanilang imbentaryo at hindi rin sumunod sa batas at procurement.