Tinulungan ng Department of Trade and Industry Quirino at Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino ang mga magsasaka sa Quirino Province na maibenta ang kanilang produktong gulay.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, nakipag-ugnayan ang DTI-Quirino at PGQ sa St. Paul University of Manila upang maibenta ang 4 na toneladang produktong gulay ng 33 na magsasaka.
Sila ay mula sa 3 kooperatiba na kinabibilangan ng Mataddi Farmers Cooperative, Giayan Farmers Cooperative at Dumanisi Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative at 2 magsasaka mula Brgy. Tucod, Cabarroguis, Quirino.
Binili ng nasabing unibersidad ang mga bentang gulay ng mga magsasaka na gagamitin naman sa kanilang community pantry.
Ito na umano ang pangatlong transaksyon ng mga magsasaka sa nasabing unibersidad sa tulong ng DTI at PGQ.
Ang nasabing inisyatibo ay nakasailalim sa Farm to Pantry Project ng DTI Quirino Provincial Office na layong direktang iugnay ang mga magsasaka sa mga institutional buyers na suportado ng adbokasiya ni Quirino Gov. Dax Cua na “Bayanihan para sa mga Magsasaka.”
Sa ngayon ay nasa 12 tonelada na ng gulay ang naibenta sa SPUM kung saan nasa 1,522 na magsasaka na ang nabenipisyuhan.