CAMARINES NORTE- Pinaplano na umano ng Department of Trade and Industry (DTI) na bumuo ng isang council na layong i-develop ang industriya ng cacao.
Pero aminado si Camarines Norte DTI Provincial Director Christie Rivera na sa ngayon ay nahihirapan pa silang makumpleto ang plano dahil sa kawalan ng datos ukol dito.
Kaya naman sa isinagawang 3rd Quarter Provincial Statistics Committee meeting na ginanap sa Audio Visual Room ng Provincial Capitol dito sa Daet noong Martes, tinanong ni Rivera ang Philippine Statistics Authority (PSA) kung kasama ito sa coverage ng Census of Agriculture and Fisheries (CAF) na gagawin sa Setyembre.
Aniya mahirap gumawa ng kumpletong plano kapag walang data. Tinanong din ni Rivera kung kailan ilalabas ang resulta ng CAF.
Tugon naman ni PSA Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao wala pang gaanong data ang cacao dahil kasali ito sa ‘emerging’ pa lang na crops.
Dagdag pa ng PSA na iba ang konsepto nila ng ‘production.’ Paliwanag ng ahensiya, na kahit mayroong tanim na partikular na crops tulad ng cacao pero kung hinahayaan lang ito at walang ‘purpose’ ay hindi ito matatawag na production.
Target naman ng PSA na ilabas ang resulta ng CAF survey sa huling bahagi ng 2024.
