Mahigpit pa ring binabantayan ng Department of Trade and Industry ang mga presyo ng basic necessities na naka “price freeze” bunsod ng deklarasyon ng state of calamity sa Metro Manila dahil sa Super Typhoon Carina at hanging Habagat.
Nito lamang August 19, nakapag-monitor na ang DTI-FTEB ng 249 supermarkets ar grocery stores sa 16 na lungsod at 1 bayan sa Metro Manila.
Sa kabuuan, nakapag-isyu na ang DTI ng notice of violation sa 43 tindahan dahil sa pagbebenta ng mga pangunahing bilihin na lagpas sa itinakdang price freeze.
Umabot na rin sa 376 na Stock Keeping Units ang hindi sumunod na may tinatayang inventory na 26,382 piraso na nagkakahalaga ng mahigit pitondaang libong piso.
Tatagal ang price freeze hanggang sa September 24 kaya hinihikayat ng DTI ang mga consumer na tingnan ang price guide bago bumili upang matiyak na tama ang presyo ng kanilang mga binibili.
Hinihimok rin ang mga mamimili na samantalahin ang ipinatupad na price freeze upang makabili ng mga murang produkto.