CAMARINES NORTE- Pinalalakas ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pakikipag ugnayan sa mga Local Government Unit upang tuluyan nang matigil ang pangsasangla ng cash card ng ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).
Sa isinagawang Provincial Media Forum nitong Miyerkules, Hunyo 7, sa bayan ng Mercedes, sinabi ni OIC Provincial Link Sheena Tad-o na may mga ginagawa silang hakbang upang masiguro na ang cash grant ay mapupunta sa tamang benepisyaryo at matigil na ang mga insidente ng cash card pawning.
Aniya, mina- maximixe ng ahensiya ang koordinasyon sa mga advisory council para matulungan silang matigil ang mga ganitong gawain lalo’t wala naman daw talaga ito sa kanilang hurisdiksyon.
Ayon naman kay Pantawid Provincial Grievance Officer Lourra May Leyes hiniling na nila sa Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng ordinansa na magpapataw ng parusa sa mga masasangkot sa cash card pawning.
Sa katunayan muli umanong umapela ang DSWD sa Provincial Government na magpasa ng ordinansa at positibo naman daw ang tugon ng huli.
Mababatid na may ilang bayan na sa lalawigan ang mayroong ordinansa kontra cash card pawning.
Ito ay ang mga bayan ng Daet, Jose Panganiban, Talisay at Mercedes.
Kung maalala ay dati nang ipinaliwanag ng DSWD ang proseso kapag ang isang benepisyaryo ay mapapatunayang nagsangla ng cash card kung saan sa unang paglabag ay reprimand lamang at case management counseling.
Sa ikalawang paglabag ay suspension ng grant at sa ikatlong paglabag ay sa delisting sa programa.
