LEGAZPI CITY – Nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol pagdating sa ibibigay na Family Food Packs (FFPs) para sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng bagyong “Egay”.
Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio, mayroong sapat na suplay ng FFPs ang ahensya sakali mang humagupit ang bagyo sa rehiyon.
Aniya, nakipag-ugnayan na ang tanggapan sa mga gobernador ng mga lalawigan na apektado ng bagyo.
Tiniyak ni Laurio sa mga ito ang pagkakaroon ng food at non-food items sa kanilang mga bodega na maaaring agarang ipamahagi kapag kailangan.
Ngayon, nasa 144,622 ang kanilang FFPs na nagkakahalagang PHP90,600,846.26, habang ang non-food items naman na nagkakahalagang PHP 114,952,501.16 ay inilagay ng DSWD Bicol sa 48 LGUs.
Binigyang-diin ni Laurio na wala dapat ikabahala ang mga LGUs dahil mayroong sapat na ayuda para sa posibleng maapektuhan dahil sa bagyo.
Samantala, aabot na sa PHP150M ang kabuuang halaga ng naipamahaging tulong ng ahensya para sa Mayon evacuees.