Inaasahan ng Tactical Operation Group 2 na idedeklarang drug free workplace ang kanilang tanggapan sa susunod na linggo matapos ang pakikipag-ugnayan at isinagawang pagsusuri ng PDEA Region 2 kahapon, August 19, 2021.
Ito ang inihayag ni TOG 2 Group Commander Lt.Col Sadiri Tabutol sa ika-22 na episode ng Usapang Pangkapayapaan Usapang Pangkaunlaran (UP-UP Cagayan Valley) ngayong araw.
Aniya, nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa PDEA region 2 upang isagawa ang unang hakbang bago maideklara bilang drug free workplace ang TOG2.
Kaugnay dito, nagsagawa ang PDEA region 2 ng drug free orientation at random drug testing sa lahat ng personnel ng TOG 2 at iba pang units.
Ayon pa kay Lt.Col Tabutol, layunin umano ng naturang aktibidad na mapatunayang walang gumagamit o nagtutulak ng illegal na droga sa kanilang hanay.
Samantala, nagpapatuloy naman umano ang campus peace and development ng TOG2 kung saan nakikipag-ugnayan ang mga ito sa Kagawaran ng Edukasyon upang magkaroon ng online forum sa mga estudyante at kaguruan.
Nagkaroon na rin umano ang Supreme Student Council Society of the Philippines- Isabela Chapter ng webinar ukol sa buwan ng wika at Comelec Registration ng mga kabataan.