Sunud-sunod na tinanong at ginisa ng ilang senador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa kanilang masterplan matapos ang naging matinding pagbaha na dinala ng Bagyong Carina sa bansa.
Sa nasabing pagdinig, nag-init ang ulo ni Senadora Imee Marcos nang malaman niyang immediate relief lang pala ang ipinagmalaking flood control projects ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Kasunod ito sa pag-amin ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na hindi pa nila naipapatupad ang kanilang masterplan dahil ina-update pa nila ito kung kaya’t immediate relief pa lang ang mga kasalukuyan nilang nagagawa.
Ayon kay Marcos, kung ganito pala ang tunay na status ay tila tagpi-tagpi at patche patche na proyekto lang ang hatid ng DPWH sa mga Pilipino.
Sa kabilang banda, ikinadismaya naman ni Senador Joel Villanueva ang hindi pagtupad ni Bonoan sa kanyang pahayag noon, na ngayong taon ipapatupad ang kanilang game changing masterplan dahil nang tanungin siya muli ay sinabi niyang sa 2027 pa ito posibleng mangyari.
Dahil dito, hiniling ni Binay kay Bonoan na bigyan sila sa Senado ng kopya ng masterplan, timeline at updates tungkol dito.
Samantala, iminungkahi naman ni Senador Francis Tolentino ang pag-imbita sa Philippine Reclamation Authority (PRA) sa susunod na pagdinig.