Dismayado ang Department of Tourism sa insidenteng kinasangkutan ng isang tauhan ng Office of Transportation Security na na-hulicam sa di umano’y pagsubo sa nawawalang $300 ng isang pasahero sa NAIA.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOT na anumang krimen na ginawa sa isang turista ay isang krimen laban sa ating bansa , na nararapat lamang maparusahan batay sa mga umiiral na batas.
Suportado rin aniya ng kagawaran ang direktiba ni Transportation Secretary Jaime Bautista na patawan ng maximum penalty ang mga airport personnel na mapapatunayang guilty sa insidente.
Maaalalang naganap ang insidente noong Septembre 8 sa NAIA Terminal 1, kung saan nakita ang isang screening officer na sadyang nilulunok ang mga perang papel.
Sinabi ng Office for Transportation Security na may dalawang iba pang screening personnel ang lumilitaw na sangkot sa umano’y pagnanakaw.