4Ps beneficiaries na naipit ang cash grant, may aasahan nang payout sa Oktubre

Nagbigay ng commitment ang Department of Social Welfare and Development na sisimulan na sa susunod na buwan ang payout ng cash grant sa mga benepisiyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na sumailalim sa reassessment.

Sa plenary debates sa Kamara para sa proposed budget ng DSWD sa 2024, sinabi ng sponsor na si Negros Oriental Representative Jocelyn Limkaichong na matatapos na sa katapusan ng Setyembre ang reassessment ng mga benepisiyaryo.

Read More:  New DOLE Chief Tolentino vows stronger labor safety enforcement

Pinalilinaw kasi ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang polisiya sa “delisting” dahil nagkaroon ng kalituhan at maraming miyembro ang nabigla nang hindi na makatanggap ng ayuda.

Nasa 1.4 million beneficiaries ang itinuring nang hindi mahirap na dumaan sa assessment sa pamamagitan ng Social Welfare and Development Indicator o SWDI tool.

Read More:  DOLE Region III director suspended following Pampanga building collapse

Pagtitiyak ni Limkaichong, hindi mawawala ang pondo para sa disbursement ng cash grant na nagkakahalaga ng 68.224 billion pesos as of August 2023 at kasama na rito ang 12 billion pesos na retroactive para sa mga hindi pa nabibigyan.

Target ng ahensya na maabot ang 94 percent ng disbursement sa pagtatapos ng taong 2023 at sa ngayon ay 99 percent nang tapos ang reassessment ng 4Ps.