Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na tunay ang panibagong dokumento na inilabas ni Senator Win Gatchalian na maaaring magbunyag sa tunay na pagkatao ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Immigration na si Dana Sandoval, ang dokumento ay nakuha mula sa Board of Investments at ito ay ang aplikasyon ng pamilyang Guo para sa Special Investors Resident Visa.
Base sa mga dokumento, dependent si Guo Hua Ping ng kanyang ina na si Lin Wenyi sa investor’s visa nito ngunit nakansela rin ang investor’s visa ni Guo Hua Ping noong 2011.
Samantala, hindi pa naman matiyak ng BI na iisa si Mayor Guo at si Guo Hua Ping.
Giit ni Sandoval, ayaw nilang pangunahan ang ginagawang imbestigasyon.
Bago ito – una nang sinabi sa panayam ng Brigada NewsFM Manila kay Atty. Stephen David, abugado ni Mayor Guo, na dapat ay sa tamang korte ipresenta ang naturang dokumento.
Muli ring umapela si David na dapat ay mabigyan sila ng patas na paglilitis para sa mga isyung kinahaharap ng alkalde.