DOJ – posibleng iisang grupo lang ang nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero

Pinag-aaralan na ngayon ng mga otoridad ang posibilidad na planado at iisang grupo lamang ang mastermind sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

Sa ambush interview kay Justice Secretary Remulla matapos ang ginawa nilang dayalogo kasama ang pamilya ng mga nawawalang sabungero, sinabi ng Kalihim na maaring mayroong ‘concerted effort’ sa kasong ito.

Aniya, bagamat hindi pa naman lumalabas na may mala-sindikato nang grupo ang nangingidnap ng mga parokyano ng sabong – hindi pa rin nila isinasantabi ang anggulo na sa 34 mga nawawalang sabungero, iisang grupo lamang ang nasa likod nito.

Sa ngayon, ipauubaya na raw ni Remulla sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ang imbestigasyon sa insidente.

Bago ito, una nang sinabi ng Kalhiim na umabot na sa walo ang mga clustered cases sa mga nawawalang sabungero, habang apat na rito ang pormal nang naisampa.

Nagkasundo rin ang DOJ at mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na magkaroon na ng regular na dayalogo.

Aniya, posible an itong isagawa t’wing ikalawang Miyerkules ng buwan, at ang susunod ay isasagawa na sa Enero.

Umaasa umano ang Kalihim na pagsapit ng Enero ay malaki na ang inusad ng kaso.

Matatandaang kahapon nang ilabas ng CIDG ang computerized composite sketch ng dalawang mga bagong suspek na nakuhaan sa video ng pagdukot ng isang sabungero sa Laguna.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *