Hindi magkakaroon ng lockdown dahil sa mpox.
Ito ang iginiit ng Department of Health (DOH) sa gitna ng pangamba ng publiko na baka magkaroon ng lockdown dahil sa naturang sakit kasabay ng unti-unting pagdagdag ng bilang ng mga taong tinatamaan nito.
Sa panayam ng Brigada NewsFM Manila kay DOH spokesperson at Asec. Albert Domingo, sinabi nitong malinaw naman na ang pagkahawa sa mpox ay dahil sa skin-to-skin contact, at hindi ito dala ng hangin gaya ng COVID-19.
Dahil dito, binigyang-diin ni Domingo na walang dahilan para mag-panic, pero dapat manatili pa ring alerto.
Hindi rin aniya dapat ikabahala na sa loob lamang ng isang linggo, nakapagtala agad ng 5 kaso ng mpox sa bansa.
Magandang sensyales umano ito na kusang lumalapit ang mga pasyente sa ahensya.
Mababatid na nakapagtala na ang DOH ng panibagong 2 kaso ng mpox kahapon – dahilan para umakyat na sa 5 ang aktibong kaso sa kasalukuyan; at umabot na ng 14 ang kabuoang bilang ng naitalang mpox cases sa bansa.