CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Department of Health ang mga magulang na masusing i- monitor ang kanilang mga anak pagkatapos mabakunahan kontra COVID- 19.
Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola kung may maramdaman kahit kaunti ang mga bata pagkatapos mabakunahan ay i-report ito sa mga kinauukulan.
Aniya responsibilidad ito ng mga magulang upang masigurong mabibigyan ng karampatang aksyon sakaling makaranas ng adverse effect ang mga bata dahil sa bakuna.
Kahapon ay sinimulan na sa lalawigan ng Camarines Norte ang pagbabakuna sa mga batang edad 5- 11 taong gulang.
Tiniyak din ni Iraola na ligtas ang bakuna dahil dumaan ito sa masusing proseso.
At para malibang at ma- relax ang mga bata, ginawang child friendly atmosphere ang Outpatient Department ng Camarines Norte Provincial Hospital kung saan ginagawa ang pagbabakuna.
May mga lobo na iba’t- ibang kulay at iba’t- ibang karakter ng superhero sa lugar.
Pagkatapos mabakunahan ay namigay din ng mga laruan ang JCI Daet Kabihug sa mga bata.
Hiniling din ni Iraola ang tulong at suporta ng bawat isa sa bakunahan.
Target na mabakunahan sa lalawigan ang nasa 97, 000 na mga bata sa naturang age group.
