Itinanggi ng Department of Health (DOH) na umano’y may discrepancy sa aktuwal na bilang ng COVID-19 vaccine doses mula sa Pfizer na ideneliver sa Pilipinas.
Una nang napaulat ng National Task Force against COVID-19 na ang bansa ay nakatanggap na ng kabuoang 2,469,870 doses mula sa Covax Facility, na binubuo ng 2,276,820 doses na dumating noong Hunyo at 193,050 doses na dumating naman noong Mayo.
Pero batay sa website ng Gavi, isang public-private health initiative na kapwa pinamumunuan ng vaccine sharing scheme Covax, na ang bansa ay nakatanggap na ng kabuoang 2,472,210 Pfizer vaccine doses, o kulang ng 2,340 doses.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naglabas na ng paglilinaw ang supply chain management office na nagmo-monitor sa mga dumadating na vaccine doses.
Paliwanag ni Vergeire, batay sa inventories, naiulat umano ng kanilang service provider na mayroong apat na trays sa tertiary packaging na una nang may label bilang dalawang trays.
Pero noong binuksan nila, nadiskubre ang apat na trays na sa halip na dalawa. // MHEL PACIA-TRINIDAD
