Naniniwala ang Department of Health na maraming magiging implikasyon sakali mang alisin na ang state of calamity sa bansa dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sa Media Forum, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na bagamat mababa na ang mga naitatalang COVID-19 cases sa bansa, marami pa ring dapat ikonsidera kung aalisan na ang emergency state.
Ayon kay Vergeire, hindi na papayagan ang paggamit ng emergency use authorization o ang EUA sa mga bakuna.
Ibig-sabihin, ‘pag nawala na ang state of calamity ay hindi na maaaring gamitin ang mga ito dahil kakailanganin na ng opisyal na certificate of product registration mula sa mga vaccine manufacturers.
Mabibigyan lamang ng CPR ang isang bakuna kung matapos ang huling phase ng clinical trials nito.
Sinabi rin ni infectious diseases expert na si Dr. Edsel Salvaña na sa oras na tanggalin ang mga restriction levels, mangangahulugan ding mababawasan ang mga suplay ng bakuna mula sa COVAX dahil hindi lahat ng mga ito ay may pinal na registration.
Dalawang beses nang na-extend ang state of calamity na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte at nakatakdang mag-expire ngayong Setyembre.
Ayon kay Vergeire, ipauubaya na sa susunod na administrasyon kung palalawigin pa itong muli base na rin sa magiging rekumendasyon ng mga health experts.
#