DOH, nagtala ng bagong record low na daily COVID-19 cases sa 225

Nagtala ang Department of Health (DOH) ng 225 na mga bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamababang COVID-19 tally para ngayong taon.

Mababatid na huling naitala ang pinakamababang COVID-19 tally ay 246 noong March 29.

Sa ngayon, nasa 3,679,983 na ang nationwide caseload, kung saan active case count naman sa bansa o kasalukuyang may sakit pa ay nasa 33,629.

Sa gitna nito, nananatili naman ang National Capital Region (NCR) ang may mataas na kaso sa nakalipas na dalawang linggo sa 1,514, sinundan ng Region 4-A sa 569 at Region 6 sa 394.

Samantala, naitala ng DOH ang 3,586,984 na mga pasyenteng nakarekober mula sa viral disease, habang ang fatalities ay tumaas din sa 59,370.