Umapela ang Department of Heath (DOH) sa mga lisensyadong nurse na gamitin ang kanilang propesyon sa mga pribado at pampublikong ospital sa gitna ng kakulangan ng mga nurse na nagtatrabaho sa bansa.
Ipinahayag ito ni DOH spokesperson Undersecretary Enrique Tayag bilang tugon sa inihaing panukala ni Camarines Sur 2nd District Representative Luis Raymund Villafuerte Jr. na i-track down ng ahensya ang nasa humigit 124,000 na registered nurse na pinaniniwalaang walang trabaho o kaya naman ay nagtatrabaho sa labas ng medical field.
Ipinahayag ni Tayag na kinunsidera na nila ito ngunit hindi nila mapipilit ang mga licensed nurse na magtrabaho sa mga government hospital.
Gayunpaman, patuloy pa ring mag-aanunsyo ang ahensya ng mga job postings para sa mga lisensyadong nurse.
Sa huli, sinabi ng DOH na makikipagtulungan sila sa Professional Regulation Commission (PRC) at Department of Labor and Employment (DOLE) para matukoy ang bilang ng mga nars na nakapasa sa board, at ma-trace ang mga nars na hindi nagtatrabaho o yung mga nagtatrabaho ngunit hindi sa sektor ng kalusugan.
