BNFM BICOL— Binigyang linaw ng Department of Health-Bicol na sapat ang suplay ng paracetamol at iba pang uri ng gamot pang-trangkaso sa rehiyon sakabila ng mga ulat hinggil pagiging ‘out of stocks’ ng mga ito sa mga botika at parmasya partikular sa National Capital Region.
Batay umano sa isinagawang survey ng ahensya sa 134 na mga drugstores sa Bicol, 23 lang sa mga ito ang nagsabing wala silang stocks ng paracetamol at 14 naman mula dito ang nagsabing wala na rin silang stocks ng iba pang uri ng gamot para sa trangkaso o ‘flu’.
Kaugnay nito, sinabi ni DOH-Bicol Regional Director – Dr. Ernie Vera, na mayorya sa mga out of stocks na “flu medications” sa ngayon ay ang mga branded, gaya ng mga kilalang brand ng paracetamol ngunit abilable pa rin naman ang mga generic drugs.
Dagdag pa ni Vera, pareho lang naman ang epekto ng branded at generic na gamot sa katawan ng tao at nagkakaiba lamang ito sa presyo.
Hinikayat din ng opisyal ang publiko na iwasan ang pag panic buying at hoarding ng naturang gamot at iwasan din ang ‘self medication.
Agad umanong magpakonsulta sa mga eksperto kung nakakaranas ng sintomas ng sakit at sundin ang prescription o resetang ibibigay ng doktor.###