DMW, inaasikaso na ang repatriation ng 3 labi ng OFWs na namatay sa matinding pagbaha sa UAE

Inaasikaso na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang repatriation ng mga labi ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na namatay sa matinding pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).

Ayon sa DMW, nakikipag-ugnayan na ang Migrant Workers Offices nito sa Dubai at Abu Dhabi.

Nakipagpulong na rin ang MWO-Dubai at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga kamag-anak ng tatlong OFW.

Batay sa ulat, dalawang babae at isang lalaking OFWs ang namatay sa nangyaring pagbaha.

Samantala, nakikipagtulungan na rin ang mga tauhan ng DMW at OWWA sa Philippine Consulate General sa Dubai International Airport para tulungan ang mga OFW at iba pang Filipino na naantala ang mga flight dahil sa masamang panahon.

Sa ngayon, bagama’t nananatili pa ring baha sa palibot ng Gulf State ay bumubuti na ang lagay ng panahon sa UAE.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *