Umapela si House Assistant Minority Leader at Gabriela Representative Arlene Brosas sa pamahalaan na maghain ng diplomatic protest laban sa Israel dahil sa umano’y “genocidal attacks” nito laban sa Palestinians.

Partikular na pinuna ng mambabatas ang airstrikes sa Al-Ahli Arab Hospital sa Gaza Strip na nagresulta sa pagkamatay ng di bababa sa limandaang indibidwal kabilang ang mga bata.
Ayon kay Brosas, panahon na para muling pag-aralan ang relasyon ng Pilipinas sa Israel at manindigan laban sa aniya’y human rights violations upang tumigil ang kanilang gobyerno sa umano’y pagpatay sa mga sibilyan.
Giit nito, dapat kondenahin ng international community ang karahasang pinangungunahan ng Israeli Defense Forces na pumatay sa libu-libong Palestinians dahil malinaw na paglabag ito sa international humanitarian law.
Nanawagan din ang kongresista ng patas na pagtrato sa lahat ng panig at hindi dapat bigyan ng “preferential treatment” ang Israel dahil lamang suportado umano sila ng Estados Unidos.
Nakalulungkot ani Brosas na kahit kinondena na ng ilang world leaders ang aksyon ng Israel ay nagkaloob pa ng “moral support” ang Philippine government at idineklarang terrorist organization ang Hamas.