CAMARINES NORTE – Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang suporta sa mga Local Government Unit para masungkit ang Seal of Good Local Governance (SGLG) award.
Ang SGLG ang pinaka prestihiyosong parangal na ibinibigay ng ahenisya sa mga LGU na nagpamalas ng maayos at mahusay na pamamahala.
Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika- 115taong pagkakatatag ng bayan ng Basud noong Biyernes, sinabi ni DILG Camarines Norte Cluster Head Jerwin Novio na palaging nakasuporta ang ahensiya sa LGU.
Isa ang Basud sa nakasungkit ng SGLG award kasama ng Paracale at ang Provincial Government ng Camarines Norte.
Kumpiyansa si Novio na hindi na mahihirapan ang Basud na masungkit uli ang award dahil ang mga mahihirap na barometro ay naabot nito.
Tulad na lamang umano ng mga programa sa Disaster Risk Reduction Management kung saan isa ang Basud sa nakasungkit ng Gawad Kalasag award na ibinibigay naman ng Office of Civil Defense (OCD).
Bukod dito ang Basud lang din ang natatanging munisipyo sa Camarines Norte na nakakuha ng “unqualified opinion” mula sa Commission on Audit na nangangahulugang mahusay ang pamamahala sa pananalapi.
Sabi ni Novio isa ang aspetong pananalapi ng LGU sa indicators ng SGLG.
