CAMARINES NORTE- Nagpasalamat ang Department of the Interior and Local Government (DILG) Camarines Norte sa mga Local Government Unit makaraang mahirang bilang Rank No 2022 Best Performing Provincial Office sa Bicol Region sa katatapos lang na Gabi ng Parangal na ginanap sa Legazpi City kamakailan.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nasungkit ng DILG Camarines Norte Provincial Office ang naturang parangal.
Ayon kay Local Government Operations Officer VII, Cluster Head Jerwin Novio ng DILG Camarines Norte,nangyari ito dahil sa kooperasyon at suporta ng mga LGU sa lalawigan at ng mga Local Chief Executive.
Aniya, kung hindi sa kooperasyon ng mga LGU sa pag- comply sa mga kinakailangang report na hinihingi ng DILG ay hindi umano magiging posible ang naturang award.
Nagpasalamat din si Novio sa mga Barangay dahil nag- comply din umano ito sa mga hinihingi nilang reports.
Hinikayat ng opisyal ang mga munisipyo maging ang barangay na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan at kooperasyon sa kanila.
Aniya importante ang papel ng Barangay dahil ang Seal of Good Local Governance (SGLG) ay hindi na lang ibinibigay sa probinsiya at mga munisipyo kundi hanggang sa barangay level na rin.
Ang Barangay Del Rosario sa bayan ng Mercedes ay nabigyan na ng SGLG award.
Mayroon na ring incentive awards program sa mga Lupong Tagapamayapa sa Barangay.
