Magpapatupad ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng isang buwang moratorium sa pagbabayad para sa mga kliyente ng programang pabahay na lubhang naapektuhan ng bagyong “Carina”.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, ang hakbang na ito ay isang paraan ng pagpapaabot ng tulong at pagpapagaan ng pasanin ng mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
Inatasan na ni Acuzar ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority, Social Housing Finance Corporation at National Home Mortgage Finance Corporation na ipatupad ang kanyang kautusan.
Inaasahang nasa libu-libong pamilyang Pilipino na may mga natitirang utang sa key shelter agencies ang makikinabang sa moratorium.
Samantala bukod sa moratorium, may inihanda na rin ang SHFC ng 9,132 relief packs na ipapamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa loob ng kanilang mga project sites.