KORONADAL CITY- HUWAG agad maniwala sa mga ibinebentang murang mga lote na ipinopost sa social mdia. Ito ang panawagan ni Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD 12 Housing and Real Estate Development Regulation Division Chief Jayharie Mantil.
Ayon kay Mantil na madalas, ang mga ito ay illegal at ang mga agents na nagbebenta nito ay walang Certificate of Registration at License to Sell at humihingi pa ng advance payment.
Dahil nito, hinihikayat ng opisyal ang publiko na mag-ingat sa mga binibiling bahay at lupa upang hindi masayang at mauwi sa wala ang ininvest na pera.
Upang masiguro na lehitimo ang ibinebentang subdivision o lupa, maaaring makipag-ugnayan sa LGU o sa opisina ng DHSUD 12.
Napag-alaman ayon kay Mantil na maraming nagrereklamo sa kanilang tanggapan at humihingi ng tulong na mai-refund ang kanilang ibinayad.
Samantala, upang malutas ang naturang problema at mahabol ang mga scammer sa lupa at mga illegal subdivision, magtatatag ang DHSUD 12 kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno ng Anti-Illegal Real Estate Practices Inter-Agency Task Force.
