CAMARINES NORTE- Nakatutok ngayon ang Department of the Interior and Local Government para sa pagsasagawa ng kaliwa’t kanang webinar at face to face workshop sa mga Local Government Unit kaugnay sa implementasyon ng Mandanas law na mag uumpisa sa 2022.
Sa pakikipag ugnayan ng Brigada News FM Daet kay DILG Provincial Director Ray Caceres, inihayag nito na maliban sa webinar ay talagang bumababa umano sila hanggang sa mga barangay upang tulungan ang mga itong ihanda ang kanilang Devolution Transition Plan.
Ginagawa umano ito ng ahensiya lalo’t malapit na ang deadline ng pagsusumite ng Devolution Transition Plan kaya’t nag- iikot umano sila sa iba’t- ibang bayan at barangay.
Ayon kay Caceres kinakailangang makapagsumite ng Devolution Transition Plan ang mga barangay sa October 9, habang ang mga munisipyo naman at probinsiya ay nakatakda sa November 9 at December 9 ayon sa pagkakasunod- sunod.
Inaasahang mas mataas ang pondo na matatanggap ng mga LGU sa susunod na taon dahil madaragdagan ang share nito mula sa national government pero posibleng matapyasan naman ito sa 2023 at 2024 sa ikalawa at ikatlong taon ng implementasyon ng Mandanas law.
Sa ilalim ng Mandanas ruling sinabi ng Supreme Court na ang mga LGU ay may karapatan sa share ng lahat ng national taxes hindi lang sa national internal revenue taxes.
Ilan lamang sa mga madi- devolve ng function sa LGUs mula sa national government agency ay ang health, social at agriculture services.
