CAMARINES NORTE- Pumabor umano sa health sector ang ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i- delay ang implementasyon ng full devolution alinsunod sa Mandanas ruling na naging epektibo noong nakaraang taon.
Ayon Department of Health Bicol Assistant Regional Director Dr. Ferchito Avelino maganda umano ang naging hakbang ng Pangulo na rebyuhin muna ang devolution plan bago ito tuluyang ipatupad.
Sinabi ito ni Avelino sa ikalawang araw ng Consultative Meeting on Universal Health Care na ginanap dito sa bayan ng Daet kung saan kahapon ay ang mga Local Chief Executive at Municipal Government Officials naman ng unang distrito ang participants.
Inihalintulad ni Avelino ang nangyaring devolution noong 1991 na hindi umano sila handa at walang nangyaring konsultasyon.
Dahil sa devolution maraming functions ang national government ang ibibigay na sa mga Local Government Unit (LGU).
Ang bagay na ito ay dati nang inalmahan ng mga LGU dahil nabawasan na nga ang kanilang National Tax Allocation ay madaragdagan pa ang kanilang functions.
Kung maalala ay dati nang umapela si Governor Ricarte “Dong” Padilla sa DOH na huwag tanggalan ng Human Resources for Health ang mga LGU dahil hindi ito kakayanin lalo na ng maliliit na lalawigan at bayan.
