CAMARINES NORTE- Sumuko kahapon ng umaga sa Basud Police ang isang 41 anyos na lalaki na akusado sa pangmomolestiya sa isang menor de edad.
Kinilala ito na si alyas “Tony” 41 anyos, may asawa at residente ng Barangay Poblacion 1, Basud, Camarines Norte.
Batay sa Police report, sumuko si alyas Tony kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest ni Judge Leo Intia ng Regional Trial Court Branch 64 sa bayan ng Labo dahil sa kasong Rape through Sexual Assault in relation to RA 7610 o child abuse.
Nag- ugat ang kaso dahil umano sa pangmomolestiya ng suspek sa isang 12 anyos na biktima na nangyari Disyembre ng nakaraang taon sa bayan ng Labo.
Nagrekomenda ng halagang Php 200,000.00 piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nasa kustodiya ngayon ng Basud Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa PNP ang akusado ay Rank No 3 sa listahan ng Municipal Most Wanted Person sa naturang bayan.
